-- Advertisements --

Naglabas ang China ng bagong patakaran ngayong Sabado, Agosto 1, para sa pamamahala ng Huangyan Island National Nature Reserve o tinatawag ng Pilipinas bilang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Ayon sa ulat, mahigpit na ipinagbabawal sa bagong polisiya ang pangingisda, pagkuha ng yamang-dagat gaya ng corals at giant clams at pagmimina nang walang awtorisasyon mula sa Beijing sa loob ng 3,523-ektaryang nature reserve.

Ang sinumang lalabag sa kautusang ito ay pananagutin umano sa ilalim ng batas ng China.

Ang patakarang ito ay inilabas matapos pormal na ihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas ang opisyal nitong nautical chart ng Scarborough Shoal sa United Nations na nagpapakita ng baselines ng bansa.

Tahasang tinanggihan at minaliit ng China ang hakbang ng Pilipinas at tinawag itong ilegal at walang bisa.

Ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy naman na naghahain ng diplomatic protest laban sa mga aksyon ng China, dahil ang Bajo de Masinloc ay pasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at hurisdiksyon ng bansa.