Mariing itinanggi ng Tsina ang mga alegasyong nakikialam ito sa internal affairs ng Pilipinas matapos ilarawan ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang opisyal na website ng Chinese Embassy bilang isang “propaganda institution.”
Ayon kay Chinese Embassy Spokesperson Ji Lingpeng, walang interes ang Beijing na makialam sa mga domestic na usapin ng bansa at wala rin umano silang ginagawa o balak gawin na anumang uri ng panghihimasok.
Iginiit ng emhabada na mahigpit na pinaninindigan ng Tsina ang prinsipyo ng hindi pakikialam sa panloob na usapin ng ibang bansa.
Kasabay nito, iginiit ng Chinese Embassy na hindi dapat maging saklaw ng buong ugnayan ng dalawang bansa ang isyu sa South China Sea at ang mga alitan sa karagatan, habang pinalulutang ang hangarin ng Beijing na maayos ang mga pagkakaiba sa pamamagitan ng dayalogo at konsultasyon.
Nauna rito, sa ginanap na budget deliberations ng Department of National Defense, ipinahayag ni Teodoro na hindi na maipapalagay na isang simpleng diplomatic website ang pampublikong pahina ng emhabada dahil nagmumukha na itong estratehiya sa propaganda.
Ang pahayag ng kalihim ay kaugnay ng mga inilabas na pahayag ng emhabada ukol sa ginagawang operasyon ng mga awtoridad sa isang steel facility sa Misamis Oriental kung saan naaresto ang ilang mamamayang Tsino.
Bunsod nito, nanindigan ang Chinese Embassy na patuloy nitong ipagtatanggol ang kapakanan at posisyon ng Beijing habang kokontrahin ang mga itinuturing nitong walang basehang akusasyon laban sa kanilang bansa.















