-- Advertisements --
brp

Hinimok ni Chinese Foreign Minister Wang Yi ang Pilipinas na makipagtulungan sa China sa paghahanap ng epektibong paraan para mapahupa ang tensiyon sa pinagtatalunang karagatan.

Ginawa ng Chinese official ang naturang pahayag sa gitna ng tumataas na tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay sa grounded warship ng Pilipinas na BRP Sierra Madre na nagsisilbing military outposts ng ating bansa sa pinagtatalunang karagatan.

Inihayag din ito ni Wang sa kanyang pagbisita sa Singapore at Malaysia nitong araw ng Huwebes at Biyernes.

Makailang ulit na ring inihayag ng China na bukas itong maresolba ang pagkakaiba o isyu nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng bilateral dialogue at umaasa na ang panig ng Pilipinas ay tutugon alinsunod sa mga napagkasunduan sa nakalipas.

Matatandaan na intensyonal na isinadsad ng Pilipinas noong 1999 ang World War II warship na BRP Sierra Madre para igiit ang soberaniya ng bansa sa Ayungin shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.