-- Advertisements --

DAVAO CITY – Umabot na sa mahigit 20,000 child laborers sa buong Rehiyon 11 ang naitala ng Department of Labor and Employment (DOLE XI) hanggang nitong buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon.

Mas nahigitan pa ang bilang ng mga child laborers noong nakaraang taon na umabot lamang ng 10,797.

Sa naturang bilang, nasa 108 na mga batang trabahante lamang sa buong rehiyon ang natulungan ng ipinapatupad ngayon na pilot implementation ng Strategic Help Desk for Information, Education, Livelihood and other Developmental Interventions (SHIELD) Project ng tanggapan.

Dito sa Davao Region, ang mga child laborers ay yung mga nagtatrabaho sa construction o naglalako sa mga kalsada o street vendors.

Samantalang, karamihan sa mga kabataang nagtatrabaho sa murang edad ay nasa mga kabukiran sa rural areas.

May batas na umiiral ngayon dito sa bansa na Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination na pumuprotekta sa mga kabataang nasa lima hanggang labingpitong taong gulang.