Susuriin ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga salik sa likod ng pagbaba ng ilang Philippine higher education institutions (HEIs) sa 2024 Times Higher Education (THE) World University Rankings.
Ito ay matapos bumagsak ang Ateneo de Manila University (ADMU), University of the Philippines (UP), De La Salle University (DLSU), at ilang iba pa kumpara sa kanilang mga antas noong 2023 ranking.
Sinabi ni CHED Chairperson Prospero de Vera III na ang bilang at performance ng HEI sa ibang bansa ay maaaring ituring na mga salik.
Binanggit din ni De Vera ang tungkol sa posibilidad na magkaroon ng “faster score improvement” ang dating mga international HEI kaysa sa mga kalahok na unibersidad mula sa Pilipinas.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni De Vera na ang mas mababang ranggo ay hindi awtomatikong kumakatawan sa mas mababang marka ng mga unibersidad.
Sa gitna nito ay tiniyak naman ni De Vera sa mga unibersidad ang pangako ng Komisyon na tutulong sa pagtukoy ng mga lugar na mas pagtutuunan ng pansin.
Sa pamamagitan ng mga global ranking, ang mga unibersidad ay makikilala para sa kanilang pagganap o matukoy ang mga pangunahing alalahanin na pagbutihin batay sa paghahambing sa mga unibersidad sa ibang bansa.