Pinag-aaralan na ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pag-areglo ng chartered flights para ma-repatriate ang mga Pilipino sa Israel.
Ito ay kasunod ng kagyat na pagsasara ng airspace ng Qatar na nagpaantala sa repatriation ng unang batch ng mga Pilipino na nakauwi naman na nang ligtas dito sa bansa, kagabi.
Ayon kay DMW Undersecretary Felicitas Bay, nakikipagtulungan na sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) para pag-aralan at ikonsidera ang chartered flights.
Subalit kanilang ikinokonsidera ang airspace restriction bago isagawa ang chartered flights.
Una rito, ligtas na nakalabas ng Israel ang 26 na Pilipino mula sa 31 repatriates na sumailalim sa voluntary program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtawid sa land border sa Jordan dahil kasalukuyang suspendido pa ang flight operations.