SA GAMU, ISABELA- Isinagawa ngayong araw sa Camp Melchor Dela Cruz ang change of command kung saan pormal nang bumaba sa pwesto si Major General Laurence Mina bilang commander ng 5th Infanrty Division Philippine Army.
Hahalili sa kaniyang iiwang pwesto si Brig. Gen. Audrey Pasia na dating Assistant Division Commander ng 5th ID.
Ang change of command ay upang bigyang daan ang mandatory retirement ni Maj.Gen. Mina, na dinaluhan naman nina MGen. Camilo Ligayu, Asst. Commanding General ng Philippine Army at Lt. Gen. Ernesto Torres Jr., Commander ng Northern Luzon Command na siyang nanguna sa programa.
Tubong Cuenca, Batangas ang acting Division Commander na miyembro ng Philippine Military Academy “Bigkis Lahi” Class 1990 , una itong nagsilbi bilang platoon leader ng 2nd Infantry Division.
Naging Commander si BGen. Pasia sa 10th Intelligence and Security Unit ng Northern Mindanao, 9th Military Intelligence Battalion ng Bicol Region, 2nd Infantry Batallion sa Albay at 702nd Infantry Brigade na sumasakop sa mga Lugar ng Abra, Besao at Tadian sa Mountain Province bago nagsilbi bilang Assistant Division Commander ng 5th ID.
Bahagi ng kanyang talumpati ang pagpapatuloy ng pagtugis sa nalalabing miyembro ng CPP NPA NDF kasama ang iba pang mga awtoridad dagdag pa rito ang patuloy na paghihimok sa mga rebeldeng grupo na magbalik loob na sa pamahalaan.