-- Advertisements --

Kinikilala ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kahalagahan nang pag-amiyenda sa 1987 Constitution, pero iginiit nito na dapat ikonsidera ang wastong timing para rito.

Ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag matapoas na makabuo ang League of Municipalities of the Philippines ng isang resolusyon na naglalaman ng dalawang Charter change proposals.

“Walang kaduda-duda na kailangan ng Charter change. Ang question lang sa ating lahat ay timing,” ani Cayetano.

Sinabi ng lider ng Kamara na bagama’t maaring talakayin ang Charter change ngayon pero hindi nakikita na maaprubahan ito sa pamamagitan ng isang plebesito sa lalong madaling panahon, lalo pa at nahaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Samantala, binatikos naman ni Cayetano ang mga kritiko ng administrasyon na dati pang nagrereklamo pero hindi naman bukas sa mga solusyon na nilalayon ng isinusulong na mga reporma sa Saligang Batas.

“Ang problema kasi sa mga statements tulad ng kay Vice President Leni [Robredo] at ng iba, sa isang banda sisisihin nila ang Kongreso, tapos kung ang solusyon naman ay Charter change, ayaw naman nila,” ani Cayetano.

“So kung sino yung mga tumutuligsa sa effect nung Constitution, yun din ang mga ayaw ma-amend ang Constitution,” dagdag pa nito.

Gayunman, kasabay nang pagtalakay sa reporma sa Saligang Batas, sinabi ni Cayetano na aaprubahan na rin nila ang mga mahahalagang panukalang batas.