Pinabulaanan ng ni Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi ang mga usap-usapang hiwalay na sila ng kanyang nobyo British tech entrepreneur na si Jonathan Sterling matapos kumalat ang mga tsismis na may kinalaman umano ito sa isa pang dating beauty queen.
Sa isang Instagram Story, nagbahagi si Celeste ng larawan nila ni Jonathan at nilinaw na maayos ang kanilang relasyon.
Ayon kay Celeste, nakatuon sila ngayon sa kanilang lumalaking pamilya at sa pag-aalaga sa kanilang magiging anak na si Sergio, na ipinangalan sa yumaong ama ng beauty queen.
Dagdag pa niya, mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng kanilang pamilya lalo na’t may batang sangkot sa usapin.
Nauna rito, lumabas ang mga ulat na umano’y iniwan ni Jonathan si Celeste para sa aktres at dating beauty queen na si Bianca Manalo.
Ngunit agad itong pinabulaanan ng talent agency ni Bianca. Ayon sa kanila, walang katotohanan ang mga kumakalat na balita at nananatiling single si Bianca.
Iginiit din ng kampo ng aktres na wala itong kinalaman sa anumang isyung may kinalaman sa relasyon nina Celeste at Jonathan.
Matatandaang si Bianca ay dating nakarelasyon ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian.
Sa ngayon, malinaw ang mensahe ni Celeste: maayos ang kanilang pagsasama ni Jonathan at nakatuon sila sa paghahanda para sa pagdating ng kanilang anak.













