Naglabas si Gov. Gwen Garcia ng panibagong Executive order na nagbabawal sa pagligo sa coastal waters ng Cordova Cebu na nakitang hindi ligtas dahil sa mapaminsalang presensya ng fecal coliforms.
Kasunod na rin ito ng closure order ng mga fixed at floating cottages sa nasabing na lugar.
Sa ilalim ng EO No. 35, ipinagbabawal ang ‘public swimming’ at mga katulad na aktibidad sa baybaying-dagat ng Barangay Catarman o sa loob ng 33 ektarya kung saan matatagpuan ang mga fixed cottages matapos natuklasan na nangyayari pa rin ang mga naturang aktibidad sa kabila ng babala na inilabas ng Department of Health (DOH).
Ang babala ng ahensiya ay alinsunod na rin sa findings na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagsagawa ng water samplings at nalaman na ang mga lugar kung saan matatagpuan ang mga cottage ay “unsafe” at nasa “unsatisfactory conditions.”
Inatasan naman ang mga sakop ng Philippine National Police, PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Naval Forces Central at Maritime Industry Authority na mahigpit na ipatupad ang kautusan.
Samantala, binigyan ng ultimatum na dalawang linggo ang mga may-ari at operators ng mga illegal cottages para gibain ang mga ito.
Inanunsyo ng gobernador na magbibigay ang provincial government ng P10,000 financial assistance bawat isa sa 73 may-ari ng mga floating cottage at 54 na may-ari ng fixed cottages.
Sa Oktubre 5 naman, ang mga boluntaryong mag demolish ng kanilang mga cottage at stalls ay makatanggap ng karagdagang P10,000 mula sa Kapitolyo.
Nangako rin si Cordova Mayor Cesar Suan na magbibigay ng isang sako ng bigas para sa lahat ng apektadong stakeholder gayundin ang tig-P5,000 para sa mga may-ari ng cottage at tig-P2,000 naman para sa mga boat operators.