-- Advertisements --

Pinagtibay ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro ang suporta sa mga OFWs sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan kasabay ng paglulunsad kahapon, Marso 31, ng “One Window Bayanihan Assistance Program.”

Sa pangunguna ng Department of Migrant Workers, ang mga LGU ng Bohol, Cebu, at Siquijor kasama ang mga national agency ay pumirma ng isang Memorandum of Agreement upang protektahan ang mga OFW.

Ang mga kinauukulang ahensya ay magbibigay ng tulong tulad ng TESDA na magsasagawa ng libreng Skills Training para sa mga OFW upang matulungan sila sa kanilang kabuhayan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Baricuatro na mahigpit na mino-monitor ng Pamahalaang Panlalawigan ang sitwasyon, nakikipag-ugnayan sa mga pambansang ahensya, at naghahanda ng mga kinakailangang support system para sa mga OFW na maaaring maapektuhan.

Layunin pa ng One Window Bayanihan Assistance Program na pabilisin ang pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng isang unified system na magtitiyak na walang OFW ang mapapabayaan, lalo na ang mga apektado ng krisis.

Kasabay nito, inilunsad din ang “Anti-Illegal Recruitment & Trafficking in Persons (AIRTIP) Campaign” upang higit pang maprotektahan ang mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.

Binigyang-diin ng gobernadora na sa pamamagitan ng “One Window” approach, mas mapapabilis at mapapahusay ang serbisyong hatid ng pamahalaan para sa mga OFW at kanilang pamilya.