CEBU CITY- Hindi pinawalang bahala ni Cebu South District Election Officer Atty. Marchel Sarno ang death threat na kanyang natanggap ngayong araw ng halalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Atty. Sarno, sinabi nito na bagama’t normal na umano ito sa kanya na makatanggap ng banta ay hindi niya ito binalewala.

Naniniwala ang election officer na ito’y pagbabanta para hindi maging bias ang resulta. Ngunit siniguro naman ni Sarno na transparent ang takbo ng botohan at ang pagkuha rin umano ng resulta.

Hindi na rin umano ito ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng death threat at hindi rin daw ito makakaapekto sa kanyang trabaho.

Kaninang umaga raw ay nakatanggap ng text message si Sarno na nagsasabing “Isang bala ka lang”.