Sa pagsisimula ng Semana Santa ngayong Linggo ng Palaspas, nanawagan si Cebu Archbishop Alberto Uy ng pagkakaisa at aktibong pagtulong sa kapwa sa gitna ng nararanasang krisis ng maraming pamilya.
Sa kanyang homiliya, hinimok ng arsobispo ang mga parokya na magsagawa ng mga konkretong hakbang upang matulungan ang mga nangangailangan, kabilang ang pag-oorganisa ng feeding programs, pagtatayo ng community pantry, at paghikayat sa mga mananampalataya na magbahagi ng kanilang makakaya.
Binigyang-diin ni Uy na mahalagang palakasin ang Basic Ecclesial Communities upang masigurong walang sinuman ang makaramdam ng pag-iisa, lalo na sa panahon ng pagsubok.
Ayon sa kanya, ang pakikinig at pagdamay sa kapwa ay mahalagang bahagi ng pananampalataya.
Iginiit din ng arsobispo na ang diwa ng Semana Santa ay hindi lamang dapat manatili sa mga seremonya, kundi maisabuhay sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagmamahalan, at pag-iwas sa pagsasamantala sa kapwa.
















