-- Advertisements --

CEBU CITY – Naibigay na sa mga mining firm sa bayan ng Alcoy, Cebu, ang inilabas na cease and desist order ng Cebu Provincial Government.

Ito’y para ihinto ang operasyon ng nasabing minahan sa pagkuha ng dolomites, gayundin ang pagbebenta at pagproseso nito at iba pang quarry resources.

Kahapon nagpalabas si Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia ng Executive Order (EO) No. 25 na naglalayong matigil ang operasyon ng Dolomite Mining Corporation at Philippine Mining Service Corporation ng bayan ng Alcoy.

Lumabag kasi ito sa Section 8 o Role of Local Goverment sa ilalim ng Republic Act 7942 o The Philippine Mining Act of 1995.

Nangangahulugan ito na kailangang dumaan ang mga proseso sa local government units, bagay na hindi umano nasunod ng naturang firm nang mag-transport ito ng 3,500 wet metric tons ng dolomite sa Manila para sa beautification project ng Manila Bay.

Nakasaad sa EO ng gobernadora, na hindi naabisuhan sa proyekto ang provincial government pati na mismong pamunuan ng Alcoy at kahit konsultasyon ay hindi rin nagawa kahit pa binigyan ito ng Mines and Geosciences Bureau-7 ng Ore Transport Permit.

Dagdag pa nito na ang Alcoy kung saan kinukuha ang mga dolomites ay isa nang “environmentally critical area” at ito rin ang tirahan ng endangered bird na tinatawag na Siloy o Black Shama.

At para hindi na raw tuluyang masira ito ay kailangang itigil na ang operasyon ng mga mining firm lalo na’t kinukwestyon at biniberipika pa ang permit.

Ayon naman ng Cebu Provincial Environment and Natural Resources Office chief na si Rodel Bontuyan, mayroon na silang mga tauhan na nagmomonitor sa area para masigurong masunod ang cease and desist order.