-- Advertisements --

Hinimok ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na makipag-ugnayan sa mga mambabatas para mapabuti ang pagtugon ng ahensya sa mandato nito.

Sa pagdalo ni Cayetano sa ika-17 taong anibersaryo ng PDEA, pinayuhan nito ang mga opisyal na huwag mag-atubiling lumapit sa Kongreso kung kailangan ng karagdagang pondo para sa mga programa kontra iligal na droga.

“Kung kulang ang pondo, kulitin niyo po kami. Kung kulang sa training, kulitin niyo lang kami. Kung medyo ‘yung mga kritiko natin from abroad at minsan ang media may mga tanong na mabibigat, let’s be patient and persistent in answering and explaining our situation,” ani Cayetano.

Nangako ang lider ng Kamara na magiging malinis ang mababang kapulungan mula sa mga narco-politicians.

“Kung meron po gumagamit (ng droga), and worse nagbebenta ng droga or protector ng droga sa Kongreso, kasama po ako sa paglilinis sa ating Kongreso.”

Dati ng nanawagan si Cayetano sa mga kapwa kongresista na gawin ang tama at gawing “House of the people” ang Kamara.

Iginiit din nito ang dahilan ng pamahalaan sa patuloy na pagkampanya kontra iligal na droga.