Handa umanong harapin ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang nakaambang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na idinaos sa Pilipinas.
Sa pagdinig nitong Hulyo 15, sinabi ni Cayetano na hindi siya magpapatinag sa mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya.
“The chilling effect is there. Am I intimidated? Wala na akong choice. Ilalaban ko na ito. Bumaliktad man ang sitwasyon,” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, “Kung may anomalya, ako ang unang magagalit.”
Matatandaang iniimbestigahan ng NBI ang umano’y mga iregularidad sa paggamit ng pondo para sa isang sports complex sa New Clark City, Tarlac na ginamit ng mga atleta noong 2019 SEA Games.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, may impormasyon silang natanggap na may bilyon-bilyong pisong pondong may kaugnayan sa proyekto na hindi pa umano naliliquidate.
Lumitaw rin ang alegasyon na isang pribadong kumpanya ang nakatanggap ng tinatayang P10 billion bayad nang walang isinagawang bidding, sa pamamagitan umano ng congressional insertions.
Bukod dito, sinabi rin ng NBI na muli nitong sisilipin ang kontrobersyal na SEA Games cauldron bilang bahagi ng kanilang pagsusuri.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Senator Pia Cayetano ang umano’y pressure at intimidation na nararanasan ng kaniyang kapatid.
“Payag ba tayo sa ganito? Ganito na ba tayo dito ngayon?” ani Sen. Pia Cayetano.
“Why would you allow a director who’s just called to be a witness next week brag that he’s going to investigate (Sen. Alan Peter)?”
Sa ngayon wala pang pahayag si NBI Director Matibag sa mga naging pahayag nina Sen. Alan at Pia Cayetano.
















