-- Advertisements --

Handa si House Speaker Alan Peter Cayetano na tuldukan na ang sigalot sa pagitan nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ito ay kung maglabas aniya ng categorical statement si Velasco na walang incumbent chairperson ang matatanggalan ng posisyon sa oras na maupo na ito bilang lider ng Kamara.

Nanindigan si Cayetano na nang-alok si Velasco ng chairmanship posistions sa mga kapwa nila kongresista bilang paghahanda sa kanyang pag-upo bilang susunod na Speaker.

Pero iginiit ni Cayetano na hindi kabilang sa kanilang 15-21 term-sharing agreement ni Velasco ang pagpapalit nang mga committee chairmanships, maliban na lamang sa Committee on Accounts.

“Ang challenge ko lang sa kanya (Velasco), mag-make [ng]categorical statement na kapag naging Speaker ka na, wala kang aalisin sa kahit sinong officer, leadership at chairperson. Kasi kapag sinabi niya yun, e di tahimik na rin kami,” ani Cayetano.

“Pero kung hindi niya sasabihin yun tapos umiikot siya, nangangako ng chairmanship, siya ang nagc-create ng instability sa atin,” dagdag pa nito.

Tinukoy pa ng lider ng Kamara na inalok niya dati pa si Velasco na umupo bilang senior deputy speaker, subalit tinanggihan ito ng huli at nagdesisyon na maging chairman na lamang ng Committee on Energy.

“I’ve never closed the door to him. But ayoko ng plastik, ayoko ng kapag kaharap ako, okay, tapos pagtalikod sisiraan kami,” wika pa ni Cayetano.

“After I leave this office, konting sadness but I just want to feel fulfilled na nagawa ko yung kaya ko. But I will be very angry including at myself if mapapalitan yung mga chairmen dahil yun ang usapan namin ni Cong. Velasco,” dagdag pa nito.