-- Advertisements --

Hinimok ni Speaker Alan Peter Cayetano ang mga senador at kapwa nito mambabatas na isantabi ang mga issue sa isa’t isa na nag-ugat sa funding para sa tourism sector sa ilalim ng proposed Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Sinabi ni Cayetano na personal niyang nakausap ang ilang mga senador na mariing tumanggi naman sa paggawa ng mga insinuation laban sa mga kongresista.

Nakausap na rin aniya nito ang mga kapwa nito kongresista na umaming nasaktan sa sinasabing pahaging ng mga senador.

Mababatid na nang ratipikahan ng Senado ang reconciled version ng Bayanihan 2, sinabi nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate President Vicente Sotto III na “selfless” ang Senado pagdating sa kanilang mga adbokasiya, kabilang na ang pagsasantabi sa P10 billion pondo para sa small tourism players sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ilang mga kongresista ang napikon dito, kabilang na si Deputy Speaker LRay Villafuerte, dahil tila sinasabi raw ng mga senador na may “personal gain” ang mga kongresista sa pagsusulong sa mga alokasyon sa ilalim ng Bayanihan 2.

Nais kasi sana ng mga kongresista na bigyan ng P10 billion na alokasyon ang tourism infrastructure projects, sa kabila nang apela ng Department of Tourism at iba pang mga stakeholders na ilaan na lamang ang naturang halaga bilang credit facility sa mga micro at small players sa tourism sector.

Iginiit ni Cayetano na bagamat totoong magkakaiba ang posisyon ng Senado at Kamara, hindi maitatanggi na kailangan talagang tulungan ang tourism sector sa bansa.