Ikinukonsidera na ng independent research group na OCTA ang probinsya ng Cavite, Laguna, Quezon at Rizal bilang “low risk” sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) transmission.
Ganito rin naman ang inaasahang sitwasyon sa mga susunod na araw sa Batangas.
Sa isang tweet, sinabi ng OCTA fellow na si Dr. Guido David na ang positivity rates sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) pati na rin sa National Capital Region (NCR), ay mababa na sa 10 percent.
Nauna nang sinabi ng OCTA na ang NCR ay low-risk na sa COVID-19 transmission at inaasahang magiging “very low risk” pa pagsapit ng Marso.
Base sa datos ng naturang independent research group, ang NCR ay may positivity rate na 7% hanggang noong Pebrero 15, habang ang Batangas naman ay may 10%, ang Cavite ay 9%, habang 8% naman ang sa Laguna at Rizal, at 4% sa Quezon.
Pagdating sa reproduction rate, ang NCR ay mayroong 0.19, ang Batangas ay may 0.25, ang Cavite ay may 0.20, ang Laguna at Quezon ay may 0.19, at ang Rizal naman ay may 0.18.