Nagbahagi ng mensahe si Miss Universe 2018 Catriona Gray bilang paggunita sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas nitong Biyernes, Hunyo 12.
Sa isang Facebook post, nagpahayag si Gray ng kanyang pagmamahal sa bansa sa kabila ng mga hamon at suliraning kinakaharap nito.
“Nakakapagod minsan. Nakakadismaya rin,” ani Catriona.
Gayunman, iginiit ng beauty queen na patuloy pa rin niyang pinipili na mahalin ang Pilipinas dahil sa paniniwalang maaari pa itong umunlad bilang isang bansa.
“Pero sa kabila ng lahat, pinipili pa rin nating mahalin ang Pilipinas. Hindi dahil wala siyang pagkukulang, kundi dahil naniniwala tayong kaya pa nating maging mas mabuti bilang bansa,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Gray ang kanyang hangarin na dumating ang panahon na ang tunay na kalayaan ay maranasan ng lahat ng Pilipino at hindi lamang ipinagdiriwang tuwing Araw ng Kalayaan.
“Sana dumating ang panahon na ang kalayaan ay hindi lang ipinagdiriwang tuwing June 12, kundi nararamdaman ng bawat Pilipino — malaya sa gutom, takot, at kawalang hustisya,” pahayag pa ng beauty queen.
Nagtapos ang kanyang mensahe sa panawagang manatiling may pag-asa sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap ng bansa.
“Hanggang doon, tuloy lang. Tuloy ang pag-asa. Maligayang Araw ng Kalayaan, Pilipinas,” saad pa ni Catriona.
















