Mistulang double purpose ang pagtungo ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray sa Colombia.
Ito’y matapos samantalahin ng 26-year-old half Australian beauty na tubong Bicol ang pagkakataon na bumisita sa Red Cross Colombia kung saan personal nitong binanggit ang fundraising activities ng Philippine Red Cross.
Partikular dito ang layunin na matulungan ang mga biktima ng sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa, gayong nakikipaglaban din ang mga Pinoy sa coronavirus pandemic.
Nabatid na mismong ang Colombian Red Cross Sectional Atlantic ang nag-post sa mga larawan ng pang-apat na Pinay Miss Universe kasabay ng pagtiyak na tutulong hindi lang sa Pilipinas, kundi sa anila’y “most vulnerable communities” sa buong mundo.
Noong nakaraang linggo nang makiisa si Cat sa mga local celebrity sa panawagan ng tulong sa typhoon and flood victims, ngunit iwasan na raw ang mga lumang damit dahil marami nang nagbigay.
Kung maaalala, unang pakay ni Gray sa Colombia ay upang magsilbing official judge sa Miss Universe Colombia 2020.
Ito’y sa gitna ng pag-resurface o muling lumitaw ng namuong tensyon noong 2015 ang Pilipinas at Colombia sa larangan ng pageant.
Ito ay ang tumatak sa kasaysayan ng Miss Universe dahil sa “wow mali” na announcement of winner ng host na si Steve Harvey kung saan unang idineklara na panalo si Ariadna Gutierrez ng Colombia, bago itinama ang sarili dahil ang totoong nagwagi pala ay ang pambato ng Pilipinas na si Pia Wurtzbach.