Matapos tumulong sa kani-kanilang pamamaraan para malabanan ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa, level up naman ang ilang celebrities para sa nalalapit na inaasahang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.

Tulad na lamang ni Heart Evangelista na nagbalik-tanaw sa mga naibentang paintings na kanyang ilalaan para sa mga nangangailangang estudyante.

Ayon sa 35-year-old wife ni Sen. “Chiz” Escudero, nakakaalarma para sa mga mapipilitang tumigil sa pag-aaral kung hindi makakasabay sa distance learning o ‘yaong dapat magkaroon ng internet at gadget na tablet.

Una nang bumili si Heart ng mahigit sa 500 tablet para sa mga mapipiling mag-aaral na hindi afford makabili, pero pinaplantsa na rin nito ang kanyang programa para maging consistent ang kanyang pagtulong.

Sa panig naman ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray, isinasapinal na nito ang pagtulong din sa pagpapatuloy ng edukasyon ng mga kabataang nangangailangan.

Ayon sa pang-apat na half Pinay Miss Universe na tubong Bicol, mula sa idinulot na gutom ng deadly virus crisis kung saan nakalikom ito ng pondo para makapamahagi ng mga bigas, gagabayan naman ng kanyang foundation ang online learning.

Matatandaang sina Angel Locsin at Anne Curtis ay muling binuhay ang kanilang fund drive kung saan nag-auction ang mga kapwa celebrity ng kani-kanilang mga gamit para ilaan ang proceeds sa pagbili ng COVID testing kits.