LEGAZPI CITY – Naglunsad na ng contact tracing ang Catanduanes Provincial health Office katuwang ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases upang hanapin ang mga nakasama ni Governor Boboy Cua at asawa nitong si Nancy Cua.
Kahapon nang ianunsyo ng gobernador sa pamamagitan ng pirmadong kasulatan na ipinost sa social media na nagpositibo siya at kanyang asawa sa Coronavirus Disease (COVID) subalit nakakaramdam lang ng mild symptoms.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes Provincial health Officer Dr. Hazel Palmes, ngayong araw ay magsasagawa na ng disinfection sa kapitolyo at iba pang gusali na napuntahan ng gobernador upang mapigilan ang mas pagkalat pa ng virus.
Isinailalim na rin sa swab test at inobliga ang lahat ng mga nakasalamuha ng opisyal na mag-quarantine bilang pagsunod sa health protocol.
Sa ngayon sumasailalim din sa quarantine ang mag-asawa sa magkahiwalay na kuwarto.
Lumabas naman sa isinagawang test na negatibo sa COVID ang kanilang mga kamag-anak at kasamahan sa bahay.