Obligado ang mga casino sa bansa na i-report sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga kaso ng money laundering.
Sinabi ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kasunod ng pahayag ni Sen. Richard Gordon na mayroong mga Chinese nationals na nagpapapasok ng ilang milyong dolyar ng pera sa bansa.
Ayon kay Drilon, may-akda ng Republic Act 9160 o ang Anti-Money Laundering Act, walang masama kung magpasok ng pera sa bansa ang mga foreigners hangga’t sa idinideklara ang mga ito sa Bureau of Customs.
Base kasi aniya sa Anti-Money Laundering Law, kung aabot ng hanggang P5 million o $100,000 ay dapat nang i-report ito lalo na kung mayroong suspicious transaction.
Sinabi kasi ni Gordon na nasa 60 Chinese citizens ang nagawang makapagpuslit ng cold cash sa bansa na nagkakahalaga ng ilang milyong dolyar.
Ang malaking halaga ng pera na ito ay maari aniyang gamitin sa mga maanomaliyang transaksyon.
Kaya naman iginiit ni Drilon na sumunod na lamang ang mga casinos sa batas at i-report ang mga money laundering pagdating sa pagsusugal.










