-- Advertisements --

Inatasan ngayon ng World Boxing Organization (WBO) ang Pinoy bantamweight champion na si John Riel Casimero na idepensa ang kanyang korona.

Ang mandatory title fight ay upang harapin si Paul Butler ng Britanya.

Inabisuhan na umano ng WBO World Championship Committee ang magkabilang kampo na simulan na ang negosasyon para sa WBO Bantamweight Mandatory Championship Contest bago mauwi sa purse bid.

Binigyan din ng deadline ang dalawang panig na tapusin ang pag-uusap bago ang October 12.

Kung maalala nito lamang nakalipas na Agosto ay tinalo ni Casimero (31-4, 21KOs) ang matagal nang lineal junior featherweight champion at current bantamweight contender na si Guillermo Rigondeaux doon sa California.

Ang 32-anyos na si Butler (33-2, 15KOs) ay dating IBF bantamweight champion noong 2014 pero binakante ang titulo upang umakyat sa junior bantamweight division.

Samantala, nito lamang nakalipas na araw ang three division champion na si Casimero, 31, na hawak ng MP Promotions ni Sen. Manny Pacquiao ay nakipagbati na rin sa kanyang nakaaway na si WBC champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire.