Umapela ang isa sa mga lider ng House Committee on Transportation na maurong ang implementasyon ng cashless transaction sa mga toll gate.
Ito’y matapos magdulot ng malalang traffic ang installation ng RFID (radio frequency identification) sa mga sasakyan.
Sa isang panayam, sinabi ni Samar Rep. Edgar Sarmiento, vice chairman ng naturang komite, na dapat sa January 2021 na lang ipatupad ang naturang sistema.
Ayon sa kanya, sumulat na siya sa tanggapan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade na iatras muna ang implementasyon dahil marami pang butas ang pagpapatupad ng cashless transaction sa mga toll gate.
Katunayan, bukas aniya ang isa sa mga may-ari ng tollways na sa Pebrero pa umpisahan ang pagpapatupad ng naturang sistema.
“Nakikiusap siya (Ramon Ang, San Miguel Corporation President/COO) na hanggang February. ‘Yung timeline na maganda na siguro yung February. Then that’s the time na i-implement natin,” ani Sarmiento sa DZBB.
Dagdag pa ng kongresista, kailangan mainspeksyon kung maayos at gumagawa ng wasto ang mga RFID machine readers.
Hawak ng SMC ang tollgates ng Skyway, South Luzon Expressway, STAR Tollway, TPLEX, NAIAX at MCX.
Ang Metro Pacific Tollways Corporation naman ang nagma-mando ng operasyon ng North Luzon Expressway, SCTEX, CAVITEX, C5 Southlink, at CALAX.
Nitong weekend nang tawagin ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang pansin ng NLEX Corporation dahil sa malalang traffic na idinulot ng RFID installation sa kanilan mga toll gate.