Tiwala ang Department of Health (DOH) na angkop ang desisyon ng Inter-Agency Task Force na irekomenda sa Malacanang ang mas maluwag na community quarantine measures pagdating ng June 1.
Ito’y sa gitna ng mataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na iniulat ng kagawaran sa nakalipas na linggo.
“We are optimistic that with our efforts to strengthen our health system capacity, and the implementation of our minimum health standards that we can successfully complete this transition.”
Kabilang daw sa ikinonsidera ng IATF sa kanilang rekomendasyon ang pagbagal ng case doubling time o pagitan ng mga araw bago muling dumudoble ang numero ng mga bagong kaso ng sakit.
Pati na ang mababang critical care utilization rate o kapasidad ng mga pasilidad sa bansa para sa COVID-19 cases; at bumaba nang mortality at positivity rate.
“As we have seen, the trend in the number of fresh cases reported per day is low. Other important indicators such as slowing of our case doubling time and lessening of mortality rate shows that we are able to control the outbreak.”
“Ang critical care utilization rate naman natin para sa ICU beds ay nasa 34%, at 18% naman para sa mechanical ventilators. Isa rin pong magandang indikasyon ito dahil ibig sabihin hindi natin nasasagad ang mga gamit natin ng ICU beds at ventilators at ibig sabihin din ay hindi natin nao-overwhelm ang ating health system,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire.
Iginiit ng DOH na bagamat mataas ang naitalang numero ng mga bagong kaso ng sakit sa nakalipas na araw, ay maliit na porsyento lang nito ang “fresh case” o kaso ng sakit na kaka-kumpirma lang at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.
“Over the next few days we expect that cases may continue to rise as we work through and validate pending cases.”
Ang pagbabagong daw ng DOH sa reporting ng mga bagong kaso ng sakit ay pagsisigurong “real time” na ang mga datos na kanilang ibibigay sa publiko.
“Previous data was also not disaggregated by fresh vs late.”
Inaalam naman ng Health department kung may naging epekto sa pagkalat ng COVID-19 ang naunang pagsasailalim sa modified enhanced community quarantine ng National Capital Region.
GCQ SHIFT REMINDERS
Kasabay nang paghahanda sa GCQ sa Lunes nagbilin ng ilang paalala ang DOH sa publiko, lalo na’t inaasahan ang paglabas ng mas maraming tao pabalik sa kani-kanilang mga trabaho.
“Kahit nasa GCQ na tayo, hindi ito ibig sabihin na relax na rin tayo sa mga protocols natin. Sa Lunes, pagpasok ng mga may trabaho, paglabas ng bahay, huwag po kalimutang magsuot ng mask, dumistansya ng isang metro sa mga katabi, magbaon ng alcohol para sa mga kamay.”
Sa huling tala ng DOH, umabot na sa 17,224 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
“Tandaan po natin. Hindi po natin ito ginagawa para lamang sa ating sarili. Para rin po ito sa
kaligtasan ng ating mga anak, magulang, at mga mahal sa buhay.”