KALIBO, Aklan – Ikinokonsidera ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagdagdag ng carrying capacity sa isla ng Boracay upang mas marami pang turista ang makakabisita sa pamosong tourist destination.
Ang kasalukuyang carrying capacity sa isla ay nasa 19,000 na katao bawat araw.
Sa isinagawang pulong ng Boracay Inter Agency Task Force, sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu, hihilingin niya sa Ecosystems Research and Development Bureau ng ahensiya na pag-aralan kung maaring madagdagan ang bilang ng mga tao na pwedeng makapasok sa Boracay.
Nabatid na nilimitahan ang pagpasok ng mga turista nang isailalim ang isla sa rehabilitasyon noong 2018.
Karamihan aniyang nagkukumpulan ang mga tao noon sa frontbeach, subalit matapos ang rehabilitasyon ay marami na ang pumupunta sa eastern portion o backbeach dahil malinis na doon.
Binansagang cesspool ang lugar noong una dahil sa mabaho at maduming tubig mula sa mga tubong direktang naglalabas ng waste water sa dagat.
Makaraang malinis ang tubig sa dagat, nagpapatuloy ang pagtibag ngayon sa mga istrakturang lumalabag sa 25+5 meter easement mula sa dalampasigan at pagpapalapad ng kalsada na mino-monitor ng binuong task force.