Malaki ang paniniwala ni Supreme Court Senior Assoc. Justice Antonio Carpio na susulitin ng China ang natitirang mga taon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang maagaw ang Scarborough Shoal.
Sinabi ni Carpio ang pahayag kasabay ng inaasahang paglagda ng Beijing at mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa Code of Conduct sa South China Sea.
Ayon kay Carpio, hindi maituturing na sagot sa agawan ng mga bansa ang kasunduan.
Tiyak daw kasing itutuloy ng China ang mga aktibidad nito sa pinag-aagawang teritoryo kapag nakuha na nito ang loob ng ibang estado.
“We all know they have a plan and they will do that before the end of the term of President Duterte, and because that is the time they will also sign the Code of Conduct,” ani Carpio.
Ikinabahala rin nito ang patuloy na usapin sa pinirmahang memorandum of understanding at terms of reference para sa joint exploration ng bansa at Beijing sa West Philippine Sea.
Lingid daw kasi sa kaalaman ng publiko na kaakibat nito ang pribadong kontrata sa pagitan ng dalawang kompanya ng parehong bansa.
“After they finish the reclamation, their island-building in the Scarborough Shoal, they will say, ‘let’s sign the Code of Conduct, nobody builds anything anymore,’ and that will legitimize what they have created, their artificial islands,” dagdag nito.
Una ng inamin ng pangulo na imposibleng mahinto niya ang pagpasok ng mga Chinese sa disputed territories, dahil tiyak na kapalit daw nito ang buhay ng mga Pilipino.
“When Xi says ‘I will fish,’ who can prevent him? If I send my marines to drive away the Chinese fishermen, I guarantee you not one of them will come home alive,” ani Duterte sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address.
Nitong araw nang dumalo si Carpio sa isang seminar na inorganisa ng US Embassy para sa mga mamamahayag.