BUTUAN CITY – Nagtala na ng pangalawang kaso ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang rehiyon ng Caraga.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Jose Llacuna Jr, regional director ng Department of Health (DoH)-Caraga sa panayam ng Bombo Radyo Butuan.
Ayon kay Llacuna sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, isang 65-anyos na lalaki mula sa Butuan City ang pasyenteng na-confine ngayon sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City simula pa noong Abril 1 na walang travel history ngunit may contact sa kanyang anak na mula sa international derby sa Matina, Davao City.
Dagdag ng opisyal, nasa mabuting kalagayan pa ang biktima na biglang nagkasakit ilang araw matapos dumating mula sa nasabing sabong ang anak nito rasong nagpakunsulta na sa doktor lalo na’t nakakaranas ito ng diarrhea kahit na naka-dextrose na sa kanilang pamamahay at dinala kaagad sa Caraga Regional Hospital.
Nagnegatibo na umano ang dalawang laboratory tests ng pasyente ngunit duda ang doctor nito dahil sa nararanasan nitong diarrhea kung kaya’t isinailalim niya sa pangatlong test at kahapon nga nakumpirma sa resulta na positibo ito sa naturang sakit.
Sisimulan naman ngayong araw ang contact tracing sa mga nakahalubilo ng pasyente lalo na ang kanyang pamilya at mga hospital staff na nag-aasikaso sa kanya nang ito’y magpakunsulta.
Makikipag-ugnayan din sila sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno at sa lokal na oamahalaan ng Butuan na may malaking papel sa gagawing contact tracing gaya ng Office of the Civil Defense (OCD) sabay panawagan sa publiko na makikipag-ugnayan kaagad sa mga health authorities kung may mapoansain na indibidwal na ini-indang sintomas ng COVID-19.
Samantala , nag-negatibo na ang pangalawang follow-up test ng unang covid-19 positive nitong rehiyon at ito’y na-discharge na.