Kinilala ni Canadian Prime Minister Mark Carney ang malaking ambag ng mahigit isang milyong Pilipino sa Canada sa pagpapalakas ng ekonomiya at lipunan ng bansa.
Ayon kay Carney, nasa mahigit 200,000 Pilipino ang naninirahan sa Vancouver at kabilang sila sa mga tumutulong sa mahahalagang serbisyo, negosyo, at komunidad. Aniya, tampok din ang kulturang Pilipino sa Canada sa pamamagitan ng musika, sayaw, sining, at mga pagdiriwang gaya ng Kamayan Fest at iba pang Pinoy festivals.
Binigyang-diin din ni Carney ang pagkakaisa ng mga Pilipino at Canadian matapos ang trahedya sa Lapu-Lapu Festival.
Kinilala rin niya ang mga Filipino-Canadian na nagsisilbi sa pamahalaan, kabilang si Rechie Valdez, ang kauna-unahang Filipina na naging miyembro ng Parliament ng Canada.
Sinabi ni Carney na nakatulong ang komunidad ng mga Pilipino sa pagbuo ng isang mas matatag at mas masiglang Canada.
Dagdag pa niya, patuloy na lumalalim ang ugnayan ng Canada at Pilipinas sa larangan ng kalakalan at seguridad, kung saan nagsisilbing mahalagang tulay ang komunidad ng mga Pilipino sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Carney, napapanahon ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Canada sa gitna ng mas mapanganib at mas nahahating sitwasyon sa mundo, kung saan nahaharap sa matitinding pagsubok ang mga pandaigdigang alyansa at lumilitaw ang mga bagong banta.
















