Iginiit ni Solicitor General Jose Calida na nakikiisa siya at ang kanyang tanggapan sa layunin ng liderato ng Kamara na mabigyan ng patas, tapat at mabusising imbestigasyon na kikilatis at hihimay sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sa kanyang pagdalo sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability nitong umaga, sinabi ni Calida na kailanman ay hindi niya kinontra ang posisyon ng Kamara na tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan para maggawa at bumawi ng prangkisa.
Ito aniya ang dahilan kung bakit inabisuhan niya ang National Telecommunications Commission (NTC) na hindi maglabas ng provisional authority to operate sa ABS-CBN.
Kailanman ay hindi rin niya binanggit ang pangalan ni Speaker Alan Peter Cayetano at ng iba pang mga kongresista sa kanyang mga advisory letter sa NTC.
Taliwas aniya ito sa alegasyon na binraso niya ang NTC upang sa gayon ay maipasara ang media giant.
“The OSG as representative of the Republic has always upheld the rule of law,” ani Calida.
Ipinaliwanag naman nito na kaya siya naghain ng kaso sa Korte Suprema laban sa prangkisa ng ABS-CBN dahil nais lamang niyang masunod ang isinasaad ng batas.
Samantala, umapela naman ng pag-unawa si Calida dahil sa kabila nang kanyang pagdalo sa committee hearing ay hindi naman siya maaring sumagot sa mga tanong na may kaugnayan sa nakabinbing kaso sa korte alinsunod na rin sa sub judice rule.