-- Advertisements --

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Solicitor General Jose Calida na hilingin sa Commission on Audit (COA) na silipin ang public funds na natanggap ng Philippine Red Cross (PRC).

Sa isang taped address na inere kaninang umaga, sinabi ni Duterte na nais niyang maisagawa sa lalong madaling panahon ang audit ng COA sa PRC.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na subject sa COA audit ang government funds na ibinayad sa PRC para sa pagsasagawa ng COVID-19 tests.

Mababatid na ang PRC ay pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, chairperson ng Senate blue ribbon committee, na nagsasagawa ng imbestgigasyon sa alegasyon na overpriced ang mga biniling medical supplies ng pamahalaan noong nakaraang taon.

Makailang ulit nang itinanggi ni Duterte ang alegasyon na ito, at pinuna rin ang pamamaraan ni Gordon sa paghawak sa imbestigasyon.

“Susmaryosep Gordon hindi mo ako matakot not in a million years. Hindi ako kawatan kagaya mo. Wala akong Red Cross na ginagatasan araw-araw. It’s not my style,” ani Duterte.

Sa isang statement noong Setyembre 3, sinabi ng board of governors ng PCR na hindi sila tumatanggap ng pera mula sa pamahalaan, pero mayroong ilang ahensya ang nagbigay aniya ng donasyon sa kanila.

Pawang donasyon lamang din mula sa mga private individuals, corporations, at partner international Red Cross at Red Crescent societies lamang anila ang kanilang tinatanggap.