CAUAYAN CITY – Naglabas ng pahayag ang Cagayan Valley Center of Health (CVCHD) may kugnayan sa aksidenteng kinasangkutan ng ambulansyang naprocure ng tanggapan.
Inihayag din ng CVCHD ang pakikidalamhati sa pamilya ng nasawing tsuper ng ambulansya na si Jurezz Mark Perpetua, residente ng Bagong Silang, Caloocan City.
Ang naaksidenteng ambulansya ay kabilang sa mga nabiling unit ng CVCHD noong Setyembre 2022.
Ayon sa pahayag ng CVCHD, walang pananagutan ang tanggapan sa insidente dahil naganap ito bago maipasakamay ang ambulansya sa tanggapan.
Nakipag-ugnayan na ang CVCHD sa PNP, supplier ng ambulansya at mga kamag-anak ng nasawing driver.
Matatandaang nasawi si Perpetua matapos na sumalpok kahapon ng umaga ang minamanehong ambulansya sa likurang bahagi ng isang elf truck sa daan sa Salvacion, Alicia, Isabela.