Nanawagan ngayon si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na dapat payagan na ng Department of Energy (DOE) ang agarang gas exploration at krudo sa Recto Bank sa karagaran ng Palawan, na nasa loob ng 200-miles exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Sinabi ni Rodriguez na dapat alisin na ng DOE ang utos nito na suspindihin ang mga aktibidad sa paggalugad sa lugar upang magpatuloy ang service contractor nito sa mga obligasyon sa ilalim ng kontrata nito.
Sinabi ng mambabatas na kanilang naiintindihan ang Forum Energy na naghahangad na galugarin ang Recto Bank para sa gas at langis kaya giit nito na suportado nito ang plano ng kontratista na magsagawa ng gas exploration kaya nanawagan ang mambabatas sa DOE na magbigay na ng go-signal.
Dapat aniyang tulungan ng DOE at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of National Defense, ang Forum Energy sa pagsasagawa nito.
Ipinunto ng Mindanaoan congressman na pinaniniwalaang mayruong gas at oil reserves ang Recto Bank kaysa sa Malampaya gas project.
Ang Malampaya ay nagsusuplay ng malaking bahagi ng natural gas fuel na kailangan ng mga power plant sa Luzon. Ito ay inaasahang matutuyo sa loob ng ilang taon kaya ang Recto Bank ang magiging kapalit nito.
Dagdag pa ni Rodriguez na kung matutuyo ang Malampaya nang walang gas na kinukuha sa Recto Bank, mapipilitang gumamit ang bansa ng mas mahal na gasolina ang mga power plant sa Luzon.
Samantala, inihayag ni Department of Energy Secretary Raphael Lotilla na nakatutok ngayon ang DOE sa mga anti-inflationary measures kasunod ng nararanasang pagtaas ng presyo ng gas at langis.
Aniya maraming mga proposals ang kanilang natanggap at kasalukuyan nila itong pinag-uusapan kasama ang ibat ibang mga private and public institutions.
Binigyang katiyakan naman ng DOE ang mga local and foreign investors ang commitment ng gobyerno na ipagpapatuloy ang pagbibigay ng investment incentives sa ilalim ng Presidential Decree 87.