-- Advertisements --
85th2

Nag-iwan ng isang miyembro ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) Active Auxilliary na patay ang pananambang ng umano’y New People’s Army (NPA) kahapon June 5, sa Buenavista, Quezon.

Kinilala itong si Romar Gono, 22-anyos na naka-assign sa Patrol Base Wasay ng Buenavista.

Ayon kay B/Gen. Norwyn Romeo Tolentino, commander ng 201st Infantry Brigade, nagsagawa ng joint gift-giving activity ang mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Barangay Del Rosario at pabalik na sa kanilang kampo nang bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng pitong Communist Party of the Philippines-NPA rebels.

Tinukoy ni Tolentino ang isang Philip Enteria alyas Cyrus bilang lider sa nangyaring ambush.

“They were returning to their temporary base when they were ambushed by 7 CPP-NPA terrorists under a certain Philip Enteria a.k.a Cyrus along a provincial road at Brgy Bagong Silang, Buenavista, Quezon,” pahayag ni Tolentino.

Maliban sa nasawi, dalawang sundalo at isa pang militiaman ang nasugatan.

Nakapag-retaliate naman ang mga sundalo mula sa 85th Infantry Battalion kung saan pinaniniwalang may casualties sa hanay ng rebeldeng grupo.

Sinabi ni Tolentino, stable o maayos na ang kondisyon ng dalawang sugatang sundalo at isang CAFGU.

85th

“Isa ito sa patunay na ang mga Teroristang Grupong ito ay pabigat at salot sa ating lipunan. Ang hangarin nila ay ang panatilihing maghirap ang mga tao upang gamitin nila ito sa pagsulong ng kanilang pansariling interes na galitin, organisahin, at pakilusin ang mga mamamayan para isulong ang madugong rebolusyon upang mapabagsak ang ating demokratikong gobyerno at para palitan nila ng komunismong pamumono. Kaming inyong kasundaluhan ay patuloy na gagampanan ang mandato namin na protektahan at pangalagaan ang mga mamamayan ng aming nasasakupan. Higit sa lahat, sa aming Cafgu na nagbuwis ng buhay para sa karangalan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa Buenavista, isa kang Bayani ng Bayan. At ang aming taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng Bayani,“ pahayag ni Lt. Col. Emmanuel Cabahug, Commanding Officer, 85th IB.

Una nang tinambangan din ng NPA ang mga miyembro ng 1st Provincial Mobile Force Company sa Occidental, Mindoro na nagsasagawa ng “Serbisyo Caravan” sa Barangay Nicolas sa Magsaysay, Occidental Mindoro, nitong May 29 na ikinasawi ng tatlong pulis at 11 ang sugatan.

Mariin naman kinondena ng pamunuan ng 2nd Infantry Division sa pangunguna ni M/Gen. Bartolome Bacarro ang pananambang ng NPA sa mga sundalo.

Siniguro ni Bacarro na kanilang ipagpapatuloy ang operasyon para tuluyan ng matapos ang mga remnant ng NPA sa kanilang areas of responsibility na hindi rin tumitigil sa kanilang extortion at terroristic activities.