-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr. ang inilathalang AI-generated videos at editorial cartoons ng China Daily na umano’y naglalarawan sa mga Pilipino sa racist, mapanlait at dehumanizing na paraan.

Ayon kay Abalos, nakikiisa siya sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtuligsa sa naturang publikasyon, na aniya ay tahasang yumuyurak sa dignidad at pagkatao ng mga Pilipino.

Iginiit niya na walang puwang ang racist at paghamak sa anumang mamamayan o bansa sa isang responsable at sibilisadong lipunan.

Aniya, nagsisimula ang tunay na paggalang sa pagitan ng mga bansa sa pagkilala at paggalang sa dignidad at pagkatao ng bawat isa.

Binigyang-diin din ni Abalos na karapat-dapat ang bawat Pilipino na tratuhin nang may respeto at dignidad.

Aniya, patuloy na makikiisa ang pamahalaan sa DFA sa pagtutol sa naturang mga publikasyon at sa pagtatanggol sa dangal, karapatan at pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino.