-- Advertisements --
image 541

Tinapos na ng anim na Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP Investigator at Mechanic ang kanilang imbestigasyon sa crash site sa barangay Ditarum.

Nauna rito ay kasama ng mga CAAP Investigator at Mechanic na nagtungo sa crash site ang mga kasapi ng 95th Infantry Batallion Phil. Army, dalawang kasapi ng PNP Divilacan, dalawang kasapi ng Rescue Divilacan at anim na Rescue volunteer na Dumagat.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Engr. Ezikiel Chavez, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Divilacan na kinuha ng mga Investigator at Mechanic ng CAAP ang ilang bahagi ng Cessna 206 Plane habang ang ilang bahagi ng Cessna Plane ay naiwan sa crash site.

Aniya, sinuyod din ang mga lugar malapit sa crash site ngunit nabigo silang matagpuan ang nawawalang ulo ng isa sa mga sakay ng bumagsak na eroplano.

Magugunitang nawala ang eroplano noong ikadalawampu’t apat ng Enero at matapos ang apatnapu’t apat na araw na paghahanap ay natagpuan ito ng mga rescue teams sa Ditarum, Divilacan, Isabela at walang nakaligtas sa anim na sakay nito.