Sa ikalawang pagkakataon, hindi pinalad ang Eastern Conference defending champion na Boston Celtics matapos silang muling payukuin ng tandem nina Jimmy Butler at Bam Adebayo.
Nagtapos ang Game 2 sa pagitan ng dalawa sa score na 111 – 105, pabor sa Miami.
Muling nagpakitang gilas si Buter sa kanyang all-around performance na 27 points, 8 rebounds at 6 assists habang nagdagdag naman ng 25 points ang kanilang bench player na si Caleb Martin.
Para sa depensa ng Miami, hinakot ni Adebayo ang 17 rebounds at siyam na assists, kasama ang 22 points.
Sa pagsisimula ng laro hanggang sa 3rd quarter, mistulang idinidikta ng Boston ang pacing sa kanilang 8 points lead. Ngunit sa pagpasok na ng 4th quarter, walang nagawa ang Boston upang limitahan ang Miami sa kanilang scoring run.
Nagbuhos ang Miami ng 36 points sa huling kwarter habang umabot lamang sa 22 points ang nakayang ipasok ng Celtics.
Magugunitang sa unang game ay pinahiya rin ng Miami ang Boston sa sarili nilang court, dahil pa rin sa all-around performance ni Butler. Gaganapin naman ang dalawang sunod na game sa pagitan ng dalawa, sa homecourt ng Heat.