Nakatakda nang i-blacklist ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang African national na may hawak na pekeng Canadian passport.
Ang naturang mga indibidwal ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tinangkang pumasok sa bansa gamit ang naturang mga pasaporte.
Sa report kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ni BI port operations chief Atty. Carlos Capulong na ang dalawang pasahero ay dumating sa NAIA Terminal 3 lulan ng Emirates flight mula sa bansang Dubai.
Sinabi ni Capulong na nagprisinta ang mga suspek na sina Adraman Issa Marian at Halime Abba Souleymane ng pekeng Canadian passports.
Matapos malaman ang nasabing insidente, agad ipinag-utos ni Tansingco na isali na ang dalawang African sa immigration blacklist para mapigilan ang mga itong muling pumasok sa bansa.
Nabisto ang modus ng dalawa sa isinagawang pagtatanong ng mga tauhan ng Immigration bureau at napansin ng mga itong maraming inconsistencies sa kanilang mga pahayag kumpara sa kanilang mga document.
Agad namang ipinasa ang kanilang mga pasaporte sa forensic documents laboratory ng Immigration bureau at dito nalamang peke talaga ang mga ito.