
Nagpahayag ng pagkabahala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa dumaraming bilang ng mga dayuhan na nagpapanggap na mga Pilipino.
Sa unang bahagi ng buwang ito, isang Hong Kong-Canadian national ang nahuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagpapanggap nito bilang isang Pilipino.
Hiwalay na inaresto naman ng travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI ang dalawa pang dayuhan noong nakalipas na linggo sa parehong paliparan na sinubukang umalis sa bansa patungong Vietnam.
Kinilala ang mga ito na sina Nong Thi Luyen, 35-anyos at Hailan Zhang, 36-anyos.
Nagprisinta ng Philippine passport si Nong na may nakalagay na pangalan ng Pilipino subalit hindi nito masagot ang mga pangunahing detalye tungkol sa kanyang pagkakakilanlan kaya’t dito na naghinala ang mga opisyal ng Immigration.
Kalaunan ay umamin din ito na isa siyang Vietnamese national na dumating sa bansa halos dalawang dekada na ang nakalilipas.
Sinabi ni Tansingco na nagawang magpanggap ng dayuhan upang maiwasan ang pagbabayad ng penalty para sa overstaying.
Lumabas pa sa imbestigasyon na pag-aari ng iba ang Philippine passport na iprinisenta nito.
Nagprisinta naman si Hailan ng Philippine passport at may dalang mga identification card at permit na nagsasabing isa siyang negosyante.
Kinumpirma naman ng forensic documents laboratory ng BI na tunay ang kanyang Philippine passport ngunit may pekeng BI departure stamp.
Ang tatlo ay kinasuhan na ng paglabag sa Philippine Immigration Act at mananatili sa pasilidad ng warden ng BI sa Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportation.










