-- Advertisements --
gulay

Kasunod ng kontrobersiyang kinasangkutan ng mga flight attendant ng Philippine Airlines, muling pinaalalahanan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport ang mga pasahero na hindi maaaring magdala ng mga gulay at prutas sa Pilipinas mula sa ibang bansa.

Kung maalala, nasa 10 flight attendant ang nasangkot sa kontrobersiya matapos mag-uwi sa bansa ng mga gulay at prutas kabilang na ang 24 kilong sibuyas.

Sinabi ng Bureau of Customs na ito ay lalo na kung walang kinakailangang Plant Quarantine Clearance at Sanitary at Phytosanitary Import Clearance mula sa Bureau of Plant Industry o BPI.

Dapat kasing maghain muna ng aplikasyon para sa Plant Quarantine Clearance ang sino mang indibidwal o kumpanya na nagnanais na mag-import ng mga halaman o produkto ng halaman.

Kailangan daw na kumuha muna ng Plant Quarantine Clearance ang Sanitary at Phytosanitary Import Clearance sa National Plant Quarantine Services Division bago ang pag-import.

Ito ay para pangalagaan at maiwasan ang pagkalat ng mga peste ng halaman sa Pilipinas.