-- Advertisements --

Nagdeklara na ang municipal government ng Bulalacao, Oriental Mindoro ng state of calamity sa lugar nang dahil epekto ng El Nino phenomenon na nararanasan ngayon.

Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council hinggil sa naging desisyon ng naturang municipal government matapos ang pagkatuyo ng mga ilog at sakahan sa lugar nang dahil sa matinding init ng panahon.

Sabi ng Bulalacao government, sa ngayon kasi ay may humigit kumulang na 500 ektaryang taniman ng sibuyas na may 575 magsasaka, 539.1 ektaryang taniman ng palay na may 545 magsasaka, at 20.2 ektaryang iba pang mga pananim na may 28 magsasaka ang apektado na ng pinsalang idinudulot ng El Nino phenomenon sa kanilang lugar.

Samantala, sa bukod naman na ulat ay sinabi ng NDRRMC na sa ngayon ay pumalo na sa mahigit Php856-million ang halaga ng pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura sa mga rehiyon Ilocos, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Zamboanga nang dahil pa rin sa El Nino.

Habang nasa kabuuang 15,341 na mga magsasaka at mangingisda na rin ang epektado nito.

Anim na barangay mula sa Himamaylan, Negros Occidental ang nakakaranas na rin ngayon ng kakulangan sa suplay ng tubig mula noong Disyembre 2023.

Kung maaalala, una nang idineklara ng isang state weather bureau na ang pagsisimula ng El Nino phenomenon sa bansa mula noong Hulyo 4, 2023.