-- Advertisements --

Nananatiling matatag ang buffer stock ng bigas sa Pilipinas, sa kabila ng epekto ng giyera sa Middle East sa pandaigdigang kalakalan.

Ayon kay National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson, bagaman siguradong maaapektuhan ang kalakalan ng bigas, lalo na sa mga bansang umaangkat tulad ng Pilipinas, matatag ang inventory ng bigas sa bansa para tugunan ang demand o konsumo.

Inihalimbawa nito ang stock na hawak ng NFA kung saan aabot pa sa 2.6 million sako ng milled rice ang hawak ng ahensya.

Hanggang 600,000 bags dito ang nakatabi na para sa mga nanalo sa auction, habang dalawang milyong sako naman ang nakalaan para sa publiko at sa pangangailangan ng gobyerno.

Kung susumahin ang kabuuan ng buffer stock kasama ang mga palay na hindi pa nagigiling, aabot aniya sa walong milyong sako ng bigas ang hawak ng ahensiya sa kasalukuyan.

Ito ay katumbas ng 10.3 araw na supply para sa buong Pilipinas.

Ito ay maliban pa sa bulto ng local rice na inaasahang papasok ngayong panahon ng anihan, at ang bulto ng bigas (local at imported) na hawak ng mga rice trader sa kani-kanilang mga bodega.

Giit ni Lacson, kahit regular na naglalabas ang ahensiya ng malalaking bulto ng bigas para sa Benteng Bigas program at sa pangangailangan ng iba’t-ibang government agencies, pinapanatili nito ang mahigit sampung araw na buffer stocking upang masigurong may nakahandang bigas para sa anumang emergency situation.