Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot pa ng P800 milyon ang budget na nakatabi para sa mga biktima ng kalamidad, lalo na ang mga residente na lubhang naapektuhan ng bagyong Ulysses.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, mayroon pang halos P226 milyon na standby fund at P184 milyon naman para sa quick response fund (QRF) ang ahensya.
Ginagamit ng mga regional offices ng DSWD ang QRF ng naturang ahensya sa panahon ng krisis, ayon kay Undersecretary Rene Glen Paje.
Sinabi pa ni Dumlao na nakahanda nang ipamahagi ang 282,000 ang stockpiles ng DSWD para sa family food packs na nagkakahalaga ng P130 milyon, food items na nagkakahalaga naman ng P177 milyon, P271 milyon non-food items.
Sinisiguro aniya ng DSWD na magiging efficient at epektibo ang kanilang pagpapadala ng mga protective services sa mga apektadong pamilya ng mga nagdaaang bagyo.
Ito ay bilang parte ng kanilang mandato na makapagbigay ng technical assistance at resource augmentation sa local government units (LGUs).
Dagdag pa ni Dumlao na kanilang tinitiyak na magiging komportable para sa mga bata at kababaihan ang evacuation centers na kanilang tinutuluyan.
Hanggang ngayon ay patuloy ang ginagawang field assessment ng DSWD para suriin kung gaano kalawak ang naging pinsala ng mga bagyo.
Para naman sa recovery phase, nag-aalok ang ahensya ng iba’t ibang programa tulad ng cash for work at emergency shelter assistance.
Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang DSWD-NCR ng 8,154 families o 33,158 na mga indibidwal ang nasa 187 evacuation camps sa Metro Manila bunsod ng bagyong Ulysses.