Kaliwa’t kanang kwestyon ang hinarap ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ukol sa budget ng naturang departamento para sa susunod na taon.
Uminit kasi ang debate sa pagitan ng mga mambabatas matapos kwestyunin ni Negros Oriental 3rd Dist. Rep. Arnolfo Teves Jr. ang pondo ilalaan ng DPWH sa congressional districts, lalo na sa Taguig City at Camarines Sur.
Hiningi rin ni Teves ang listahan ng limang distrito na makatatanggap ng malaking pondo mula sa DPWH at tinanong din nito kung ano ang naging basehan ni Villar.
Nabatid aniya na tatanggap ang lungsod ng Taguig ng mahigit P8 billion habang ang Camarines Sur naman ay makakakuha ng P11.8 billion.
Sumagot naman si Villar na nakahanda itong ipakita sa mambabatas ang dokumento na naglalaman ng kasagutan sa mga tanong nito.
Giit pa ng kalihim na walang tinatago ang DPWH pagdating sa mga allocated funds ng mga distrito subalit hindi pa rin nito nasagot ang tanong ni Teves tungkol sa halaga na matatanggap ng Taguig at Camarines Sur.
Hirit pa ni Teves, dapat isapubliko ang listahan ng alokasyon sa mga distrito para makita ng tao kung saan talaga mapupunta ang pera.
Ikinagulat daw kasi nito ng malaman na aabot lamang sa P2 billion ang matatanggap ng kaniyang distrito sa kabila ng pagiging number 8 sa absorptive capacity ng bansa.