-- Advertisements --

CEBU CITY – Muntikan nang magsuntukan sa loob ng Cebu City Council nang isinagawa ang budget hearing na P28-milyon na hiling ng Cebu City Health Office para sa kampanya laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, sinabi nitong bigla na lang umanong lumaki ang boses ni Cebu City Vice Mayor Michael Rama kung saan parang nanghahamon at sumugod ito sa kanya.

Ayon kay Tumulak na nagkamali sa pag-unawa ang bise mayor sa kanyang sinabi na tumatakbo ang oras at kailangan ng protektahan ang mga health workers laban sa naturang virus.

Nagalit raw ang bise mayor dahil akala nito na nagpaparinig ang konsehal na pinapatagal pa nila ang pag-apruba ng nasabing budget.

Giit ng konsehal na hindi na nito pinatulan pa ang bise mayor dahil hindi diumano kaaya-ayang tingnan na magsisimula ng gulo ang mga opisyal nitong lungsod.

Sa naging desisyon ng City Council, umabot lang sa P15 million ang na-apruba kung saan diumanoy gusto ng bise mayor.

Sa ngayon, nananatiling tikom ang bibig ni Vice Mayor Rama sa naturang pangyayari sa loob ng session hall.