-- Advertisements --

Sisikapin ng Senado na matapos ang deliberasyon sa panukalang budget para sa taong 2022.

Una rito, natigil kagabi ang deliberasyon makaraang hindi nagustuhan ng mga senador ang asal ng isang tauhan ng PCOO na nakitang nasa virtual session pero umiinom ng alak.

Ayon kay Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, kakaunti na lang namang ahensya ng gobyerno ang kailangan nilang isalang sa delibersyon.

Nabatid na karamihan sa mga senador ay naghain na ng kani-kanilang amendment sa budget, kaya magiging madali na lang ang proseso nito.

Sisikapin aniya nilang mailakip ang individual amendments ng mga mambabatas bago isalang sa 2nd at 3rd reading ang 2022 budget.

Wala namang nakikitang problema sa mabilis na pagpasa ng budget bill dahil certified ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent measure.

Una na ring nagbigay ng mungkahi si Senate President Tito Sotto na tanging mga kontrobersyal na amyenda sa pambansang pondo ang talakayin sa plenaryo para maiwasan na mahabang oras ng debate.