-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Monetary Board (MB) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang amyenda sa minimum capitalization ng mga rural banks.
Layon nito na masiguro ang risk management systems, mapaangat pa ang resources at operational costs, at mapabilis ang digital transformation.

Paliwanag ng BSP, bahagi raw ito ng inisyatiba sa ilalim ng Rural Bank Strengthening Program (RBSP) na mapag-ibayo pa ang kapasidad at competitiveness ng mga rural banks.

Ayon kay BSP Governor Felipe Medalla ang pagbabago sa minimum capital requirements ay magpapalakas sa mga rural banks na malaki ang kapital.

Kapag aniya malaki ang capital base, makakayanan din ng mga rural banks ang tinatawag na financial shocks at iba pang problemang kakaharapin sa kanilang operasyon.

Batay sa sistema, ang minimum capital levels ng mga rural banks ay P50 million para sa head office lamang at doon sa may hanggang limang mga branches; nasa P120 million sa may anim hanggang 10 branches; at P200 million para naman doon sa may may mahigit na 10 branches.

Samantala ang mga apektadong rural banks, kabilang na ang mga pinayagan ng Monetary Board na makapag-establisa ng rural bank, ay bibigyan ng limang taon na palugit para makapag-comply sa bagong minimum capital requirements.