KORONADAL CITY – Patuloy na tinutugis ng kapulisan ang isang barangay kapitan sa Lake Sebu matapos mabaril ang isang babae.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lake Sebu Mayor Floro Gandam, nagpa-party umano ang suspek na si Barangay Takunel Kapitan Rudy Tomas sa isang river resort sa Barangay Tasiman.
Sinasabing nagkaroon ng alitan sa mga kasamahan ang suspek na umano’y lasing na kaya kinuha nito ang isang baril mula sa kanilang barangay vehicle at nagpaputok.
Aksidente namang tinamaan sa kaliwang bahagi ng mukha ang biktimang si Gina Blunto habang nagpapasuso lamang ito sa kaniyang 2-buwang sanggol.
Kaagad itong isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong basyo ng kalibre 45.
Ayon naman sa anak ng biktima na si Eljin, umaapela ito sa barangay kapitan na sumuko na at tulungan sila sa mga bayarin sa bahay-pagamutan.
Sa ngayon ay inihahanda na ng mga otoridad ang mga karampatang kaso laban sa tumakas na punong barangay.